Sa Kagaya Kong Naghihintay at Nangangarap

Naaaliw akong manood ng videos ng mga cute na bata sa Facebook. Minsan nakakita ako ng video tungkol sa marshmallow experiment. Iniiwanan ng isang matanda ng isang pirasong marshmallow ang mga bata at sinasabihan na huwag gagalawin iyon kung gusto nila ng doble pa nun pagbalik niya. Nakakatuwang panoorin ang hitsura ng mga batang nagpipigil na hindi kainin ang kapirasong minatamis sa harap nila para sa mas katakam-takam pa na gantimpala.

Sa mura nilang edad, natututunan ng mga bata ang kahalagahan ng disiplina at pagpipigil sa sarili para maabot ang mga simpleng goal o kagustuhan. Wala naman akong naaalalang naging test subject ako para sa isang marshmallow experiment pero lumaki akong naghihintay at nagsisikap kung may bagay ako na gustong makuha o maabot.

Tandang-tanda ko pa na noong elementary ako, palaging may kapalit ang lahat ng achievements ko sa school. Kung may gusto akong laruan, alam kong kailangan kong paghusayan sa academics at extra-curricular activities. Ang tingin ko nga dati sa McDonald’s at Jollibee ay lugar para sa mga batang mababait at nag-aaral nang mabuti para makakuha ng perfect score sa exam o award sa school.

Habang lumalaki ako at nagkakaisip, hindi na materyal na bagay ang reward na hinihintay kong kapalit ng mga achievements ko. Napalitan na iyon ng tunay na kaligayahan dahil alam kong pinaghirapan kong maabot ang mga simpleng goal at pangarap ko. Masaya rin akong makita na napapaligaya ko ang mga mahal ko sa buhay sa tuwing ako ay nagtatagumpay.

Pero wala palang katapusan ang pangangarap ng tao. Sa sitwasyon ko, nagsimula akong mangarap nang napakasimple. Noong bata pa ako, ang gusto ko lang ay makatapos ng pag-aaral, makakuha ng magandang trabaho, at magkaroon ng sariling bahay. Nang makatapos ako ng pag-aaral, na-realize ko na napakabata ko pa para ikahon ang sarili sa simpleng pangarap. Napakarami at napakataas pa pala ng pwede kong abutin sa buhay kaya naman sinimulan kong gawan ng timeline ang sarili ko.

Taong 2014 nang magtapos ako ng kursong Bachelor of Arts in Mass Communication sa Cavite State University – Indang (CvSU). Sabi ko noon, gusto kong magtrabaho sa Maynila dahil buong buhay ko ay nasa Cavite ako. Ginawa ko nga at nakapagtrabaho ako bilang writer sa isang BPO company sa Ayala, Makati.

Taong 2016 naman nang mag-resign ako sa una kong trabaho. Bumalik ako sa Cavite para i-pursue ang matagal ko nang gustong gawin. Pagtuturo. Nagturo ako noon sa isang private school na kumupkop sa akin maski kulang ako sa qualifications para magturo. Pinag-aral ako ng boss ko sa De La Salle University – Dasmariñas para makakuha ng Education units at di nagtagal ay naging isa akong lisensyadong guro.

Taong 2017 naman nang umpisahan ko ang graduate studies sa University of the Philippines Open University (UPOU) sa kursong Master of Development Communication. Dream school kung ituring ko ang UP kaya naman para akong hinehele sa langit nang malaman kong natanggap ang application ko maski late na ako nakapagpasa.

Ngayong taon dapat ako magtatapos sa masteral. Balak ko rin sanang tumuloy sa kursong Doctor of Communication kung hindi ako tumigil sa pag-aaral noong 2018.

Napakasalimuot ng 2018 para sa’kin. Labag man sa loob ay kinailangan kong i-drop ang dalawang subjects na in-enroll ko sa dapat sana ay ikalawang taon ko sa UPOU. Nag-a-adjust pa rin kasi ako noon sa bago kong trabaho bilang guro sa public school.

Dagdag pa sa mga alalahanin ko nun ang mga issue ko sa bahay. Isa na dun ang patong-patong na utang ko kay Papa. Maliit lang kasi ang kinikita ko noon sa private school kaya madalas pa rin akong humiram ng pera sa tatay ko. Nadagdagan pa yun ng mga nagastos ko sa pag-a-apply. Dalawang buwan din na na-delay ang sahod naming mga bagong guro sa public school kaya lumobo rin ang naging balanse ko kay Papa.

Nanlulumo ako habang nakikitang nagugulo ang binuo kong timeline. Mabigat sa pakiramdam ang makitang hindi ko naisasakatuparan ang mga plano at desisyon ko sa buhay. Pero mas masakit pala na makitang nabigo ko ang mga taong pinag-aalayan ko palagi ng aking mga tagumpay.

Hindi ko namalayan na nakabuo na ako ng isang idealistikong pedestal para sa sarili na dapat abutin. Naging panukat ko ang pedestal na ito para sipatin ang sariling kaligayahan at kakayahan habang naging batayan din ito ng mga taong nakapaligid sa akin para sukatin ang aking pagkatao.

Talunan ang tingin ko sa sarili noong mga panahong iyon at ipinagpapalagay kong ganun din ang pagtingin sa akin ng iba.

Matagal kong pinaniwalaan na ang pundasyon ng kaligayahan ay ang matiyagang paghihintay at pagsusumikap na maabot ang mga pangarap ko sa buhay.

Buti na lang at hindi natapos ang taon na iyon nang hindi ko nauunawaan at nakukumbinsi ang sarili patungkol sa makatotohanang konsepto ng kung ano ba talaga ang importante sa buhay. Salamat sa suporta ng ilang malalapit na kaibigan at ng isang taong espesyal para sa akin.

Taong 2016 nang makilala ko si Nico Llet. Nics ang tawag ng karamihan sa kanya pero bukod tanging ako ang tumatawag sa kanya ng Nic.

Una kong nakilala si Nic sa school na kumupkop sa akin bilang bagitong guro. Isang taon na siyang nagtuturo sa school na yun nang magkakilala kami. Mas nakilala ko pa siya nang mga sumunod na buwan habang magkasama kami sa trabaho.

Sa paglipas ng panahon, mas lumalim ang pagkakaibigan namin ni Nic. Pero iba ang nararamdaman ko sa kanya kumpara sa marami kong kaibigang babae.

High school pa lang ay mas madali akong makipagkaibigan sa mga babae. Dahil siguro dito, mas natuto akong maging simpatiko at sensitive sa pakikipag-ugnayan sa kanila. Parang kapatid ang turing ko sa kanilang lahat maliban kay Nic.

Bago sa akin ang damdamin na iyon. Hindi pa ako nagkaroon ng girlfriend sa buong buhay ko kaya iniisip ko na baka nagkakamali lang ako. Hindi siguro tama ang nararamdaman ko dahil kapatid lang dapat ang turing ko sa kanya.

Palagi kong binubura sa isip ang posibilidad ng pagpasok ko sa relasyon dahil mayroon din akong timeline na dapat sundin para sa sarili ko.

Sigurado ako na ang pagpasok sa relasyon ang isa sa mga pinakahuling bagay na dapat kong intindihin noong mga panahong iyon. Iniisip ko na wala pa akong naaabot o napapatunayan man lang kaya ako na mismo ang nagtanggal sa sarili ng karapatan na hakbangan ang anumang nararamdaman ko para kay Nic. Isa pa, hindi ko sigurado kung ano talaga ang nilalaman ng puso ko. Hinayaan ko na lang ang sarili na ipagpalagay na nagkakamali lang ako sa nararamdaman ko.

Ang malinaw lang noong mga panahong iyon ay ang goals ko. Kailangan kong sundin ang goals na inilagay ko sa timeline ko. Mag-take ng Education units. Makapasa sa licensure examination for teachers. Mag-take ng master’s degree sa dream school ko. Mag-take ng doctorate. Magkabahay. Magkaroon ng sasakyan.

Nasa dulo ng timeline ko ang pagpasok sa relasyon. Dapat mayroon muna ako ng mga bagay na iyan bago ako umibig. Green flags kumbaga. Go signals. Gusto ko na maayos kong maiharap ang best version ng sarili sa taong mamahalin ko. Iniisip ko rin kasi na hindi dapat ako pumasok sa relasyon nang hindi handa.

Siguro kaya ganito rin ako mag-isip ay dahil isa akong masugid na mambabasa ng mga Christian books tungkol sa romantic relationships at marriage. Isa sa mga natutunan ko ang active waiting.

Active waiting. May ginagawa habang naghihintay. Habang hindi pa dumadating si woman-of-my-dreams kailangan kong maging the-man-she’s-been-dreaming-of. Si Mr. Right kumbaga. Kailangan kong maging best version ng sarili dahil naniniwala ako at nagtitiwala ako sa Diyos na inihahanda niya rin ang tamang tao para sa akin.

Noon pa man ay napaka-ideal na ng tingin ko kay Nic. Responsable siya sa loob at labas ng trabaho. Marami siyang inaakong tungkulin sa bahay nila dahil nag-iisa siyang babae at panganay siya sa tatlong magkakapatid. Maaga silang naulila sa ina. Nakapag-asawa naman ulit ang tatay niya kaya nagkaroon sila ulit ng nanay. Pero madalas na wala ang stepmom nina Nic dahil OFW siya sa Vietnam.

Grabe ang paghanga ko kay Nic noong mga panahong iyon dahil nagagawa pa niyang isingit sa siksik na niyang schedule ang pag-aaral ng masteral. Hindi ko rin alam kung paano niya nagagawang pagkasyahin ang maliit na sahod sa mga gastusin sa bahay, sa pag-aaral, at sa mga araw-araw niyang pangangailangan.

Masaya rin ako tuwing kausap siya. Hindi ako nababagot maski mga teknikal na bagay tulad ng mga lesson sa school o di kaya ay mga personal naming mga buhay ang aming pinagkukuwentuhan.

Taong 2018 nang mapagdesisyunan namin ni Nic na mag-resign sa private school na pinapasukan. Nanatili pa rin kaming mabuting magkaibigan maski magkahiwalay kami ng public school na pinagtrabahuhan nang parehong taon.

Madalas pa rin naman kaming magkita noon dahil pareho lang kami ng dinadaluhang simbahan. Higit din akong napalapit sa kanya dahil naging hingahan ko siya ng mga problema, alalahanin at sama ng loob dahil sa mga nangyari sa akin noon.

Bukod kay Nic, nakatulong din sa akin ang naging lakad ko sa Zambales noong Disyembre 2018 kasama ang mga kaibigan kong sina Cyrene at Cherry at ang mga boyfriend nila na sina Ghebie at Jaycee.

Doon ay inakyat namin ang isang bundok sa Pundaquit at saka bumaba sa dalampasigan ng Anawangin. Wala na kaagad signal ang mga cellphone namin ilang minuto matapos naming umpisahan ang pagbaba mula sa tuktok ng bundok. Magkahalong paninibago at pagkamangha naman ang naramdaman ko sa kapayakan ng pamumuhay doon.

Salat sa mga modernong kagamitan at teknolohiya ang dakong iyon ng Zambales. Pero maski ganun ay napahanga ako ng lugar sa natural nitong ganda. Doon ko nalimutan ang pressure na idinulot ko sa sarili. Natagpuan ko sa kabundukan ng Pundaquit at dalampasigan ng Anawangin ang kapayapaang hinahanap ng buo kong pagkatao bago matapos ang 2018.

Binasag man ako ng 2018 pero ito rin ang taon na humubog at nagturo sa akin ng napakaraming bagay. Kaya naman mas positibo at sigurado ako sa sarili pagpasok ng sunod na taon dahil alam ko na kung ano talaga ang magpapasaya sa akin.

Taong 2019. Wala pa ring master’s degree. Wala ring bahay o kotse. Walang anumang katangi-tanging bagay na pwedeng ipagmalaki. Pero isang Marso ng hapon, ayun ako sa isang sulok ng Coffee Project sa Vista Mall Tanza naghihintay para kay Nic.

Noon ako naglakas ng loob para aminin ang nararamdaman sa taong matagal ko nang nagugustuhan. Sinabi ko sa kanya ang damdaming matagal kong itinago at kinimkim. Nagpaalam ako sa kanya kung pwede ko siyang ligawan. Gusto ko siyang maging bahagi ng buhay ko at gusto ko na siya ang makasama sa pagtuklas pa sa mundo.

Ilang araw bago matapos ang 2019, bumalik ako sa Zambales sa isla naman ng Nagsasa. Kasama ko sa lakad na iyon si Nic, pati sina Cyrene, Cherry, Ghebie, Jaycee at isa pa naming kaibigan na si Jay.

Hapon ng Disyembre, ayun kami ni Nic sa pinong buhanginan ng Nagsasa. Matapos kong ipabasa ang kinatha kong sanaysay at tula para sa kanya ay lumuhod ako sa harap niya nang may hawak na singsing. Doon ko siya niyayang magpakasal habang unti-unting lumulubog ang araw.

Abala kami ni Nic ngayong taon sa paghahanda para sa pagdating ng espesyal na araw namin sa 2021 — araw kung kailan namin ihaharap ang isa’t isa sa altar.

Sa ngayon ay wala pa rin akong hawak na diploma na magdudugtong ng magandang titulo sa dulo ng pangalan ko. Wala rin akong limpak-limpak na pera sa bangko na magbibigay sa akin ng layaw para hindi na magtrabaho. Hanggang ngayon, katulad pa rin ako ng milyong-milyong Pilipino na bumabangon kada araw para makipagsapalaran habang nangangarap ng magandang buhay sa hinaharap.

Marahil ang paghihintay at pangangarap ay hindi tulad ng matagal ko nang inaakala. Ang paghihintay ay hindi lang tungkol sa pag-abot sa mga gusto kong marating sa buhay. Hindi ko pala kailangan na palaging may mapatunayan para masabing matiyaga akong naghintay sa mga pangako at pangarap na inilagay ng Diyos sa puso ko.

Higit sa paglalagay ng deadline sa sarili, ang pag-abot sa pangarap ay tungkol sa patuloy na pagsisikap at pagtitiwala sa Diyos nang hindi naisasantabi ang personal na kaligayahan sa kasalukuyan.

Totoo na kaligayahan nga na maituturing ang pag-abot sa mga pangarap maski ngayon ay abot-tanaw pa lamang ang mga ito gaya ng mga tala. Pero ibang ligaya at tunay na langit ding maituturing ang makapiling at mayakap palagi ang taong pinapangarap kong pag-alayan ng lahat ng mga tagumpay at pagpupunyagi ko sa buhay.

Habang napapalitan ang taon sa kalendaryo, mas naiisip ko na napakabilis ng panahon para laging palagpasin ang mga oportunidad para sa mga bagay na hindi ko tiyak kung mae-enjoy ko pa sa hinaharap. Mahalaga pa rin ang paghihintay at pagsisikap para sa mga pangarap pero pipiliin ko rin na sulitin ang panahon at maging maligaya sa kasalukuyan.

Tiyak na masarap yang marshmallow na iyan sa harapan mo. Kunin mo na habang nariyan pa.


Ang blog post na ito ay lahok sa Saranggola Blog Awards 2019.

 

One thought on “Sa Kagaya Kong Naghihintay at Nangangarap”

  1. Napakaigsi ng buhay. Hindi natin alam kung ano ang naghihintay sa ating paghihintay. Manalangin at mangarap kang maging maligaya habang kasama ang taong tulad mo ay nagtitiwala rin sa plano ng Panginoon.

    Liked by 2 people

Leave a comment