Pressure

Aaminin ko. Kinakabahan ako. Mukha lang malakas ang loob ko pero totoong kumakabog ang dibdib ko.

Iniisip ko kung naging tama ba ang desisyon kong mag-resign sa una kong trabaho bilang content writer sa isang BPO company sa Ayala para gawin ang bagay na matagal ko nang gustong gawin. Magturo.

Oktubre 2015 nang magbukas ang pambansang aplikasyon ng mga guro sa senior high school para sa mga pampublikong paaralan.

Naisip ko na maganda itong oportunidad dahil ang gusto ko talagang turuan ay mga estudyanteng nasa ganoong edad. Ang problema nga lang ay kulang ako sa kwalipikasyon. Hindi ako gradweyt ng anumang kursong Edukasyon at wala akong kahit anong background sa pagtuturo maliban sa isa ito sa mga passion ko.

Pero posible nga kaya na maging passion ng isang tao ang isang larangang hindi niya naman dinalubhasa noong nasa kolehiyo siya?

Gusto kong maniwalang posible at gusto kong patunayan na ang pagtuturo ay isa sa mga totoong minimithi ko.

Bago ko mahalin ang pagtuturo, una kong minahal ang pag-aaral. Hindi ako bulakbol na estudyante. Consistent honor student ako noong elementarya habang na-maintain ko naman na nasa star section ako noong hayskul.

Nami-miss ko ang mga panahong kaliwa’t kanan ang mga overnight noong college para mag-layout na dyaryo, mag-edit ng thesis, mag-shoot ng video, mag-produce ng film, mag-proofread ng articles at kung anu-ano pang may kinalaman sa kurso kong Mass Communication.

Naniniwala akong hindi limitado sa apat na sulok ng silid-aralan ang pagkatuto kaya naman sumali ako noong high school at college sa student publication.

Malaki ang pasasalamat ko sa mga student pub lalo na sa publikasyong itinuring ko nang pamilya noong kolehiyo. Sila ang higit na nagturo sa akin ng mas malawak na perspektibo at mas malalim na dahilan para sumulat. Mula sa pagko-cover ng mga balita hanggang sa pagpupuyat para matapos ang issue ng dyaryo, palaging ‘serve the people’ ang aming motivation sa lahat ng aming ginagawa.

Bukod sa pagkahilig ko sa pag-aaral, sumasang-ayon din ako sa mga prinsipyo at pilosopiya ng edukasyon kaya ko ito nagustuhan.

Ang pagtuturo ay pagme-mentor. Hindi lang basta nagpapasa ng impormasyon ang isang guro dahil kung ganoon lang ang tungkulin niya ay lubhang mas mahusay kung tutuusin ang computer at internet para sa trabahong ito.

Naniniwala akong higit sa pagbibigay ng kaalaman ay kayang ilabas ng guro ang nakakubling husay at kakayahan ng isang estudyante pagkatapos nilang magtatag ng isang magandang ugnayan sa isa’t isa. Lubha itong kailangan lalo na sa high school at college.

Kritikal na stage ang high school at college dahil karamihan sa mga bata dito ay kasalukuyang dumadaan sa adolescence period ng kanilang mga buhay. Ito ang panahon kung saan barkada at mga kaibigan ang nagiging confidante nila o nasasabihan ng mga problema at saloobin. Mas pinipili na nilang gugulin ang mas maraming oras sa labas ng bahay dahil unti-unti silang nagiging emotionally independent mula sa kanilang pamilya partikular sa mga magulang. Normal lang ito na bahagi ng mga buhay nila pero nakakatakot ang maaaring mangyari kung mawawalan sila ng wastong gabay mula sa mga nakatatanda.

Alam ko ‘to dahil minsan ko na rin ‘tong pinagdaanan.

Lumaki ako na minahal ang eskuwelahan. Gusto kong mag-aral at palagi akong abala sa mga extra-curricular activities. Diligent kumbaga.

Pero kung ano ang ikinaganda ng buhay ko sa school ay siya namang ikinapangit ng sitwasyon ko sa bahay.

Panganay ako sa apat na magkakapatid na lalaki. Hindi pa man din sumasapit ang una kong kaarawan ay ipinanganak na si Angelo, ang pangalawa kong kapatid.

Lumaki akong pressured na maging mabuting ehemplo sa mga kapatid ko. Palagi akong napapagalitan sa mga mali ko at mali nila. Ako raw ang pasimuno at promotor sa mga kabulastugan.

Narindi ako sa mga narinig ko. Kung dati ay totoong hilig ko lang ang pag-aaral, dumating ako sa puntong ginamit kong eskapo ang eskuwelahan para takasan ang mga problema sa bahay. Mas itinuon ko ang atensyon sa school works at projects para magkaroon ako ng paraan para gabihin na sa pag-uwi.

May pagkakataon pang nasabi ko sa sarili na aalis ako ng bahay pagkatapos kong gumradweyt ng college. Mamumuhay na lamang akong mag-isa.

Habang tumatagal mas lumala ang relasyon ko sa aking pamilya. Naisip ko pa noon na ang malas ko dahil ako pa ang naging panganay. Hiniling kong magkaroon ng kuya. Sana magkaroon ako ng taong mapagkukuwentuhan ko at masasabihan ko ng problema.

Saka ko nakilala si Kuya John. Isa siyang church worker sa isang Born Again Christian church sa aming lugar. Sa kanya ko nakita ang imahe ng isang kuya.

Si Kuya John ang nagpakilala sa akin sa Diyos. Lagi rin siyang handang makinig kapag may mga dinadamdam ako. Siya rin ang nagturo sa akin kung paano magkaroon ng tamang pananaw sa aking pamilya.

Unti-unting nagbago ang relasyon ko sa aking mga magulang. Mas naunawaan ko sila at nakita ko ang mga naging paghihirap nila. Minahal ko sila bagay na siya namang matagal ko nang dapat na ginawa.

Hindi guro si Kuya John pero siya ang itinuturing kong mentor. Gusto ko ring maging ganoon para sa mga estudyante ko.

Natapos ang interbyu ko sa division office ng DepEd sa bayan namin ng Trece Martires. Mukha namang natuwa sa akin ang mga division at district supervisors na nag-interbyu sa akin. Sa pakiwari ko naman ay naiparating ko nang maayos ang maalab na hangarin kong magturo sa kabila ng kakulangan ko sa kwalipikasyon.

Nakangiti akong lumabas ng kuwarto matapos ang interbyu pero gumuho naman ang mundo ko nang lumabas ang resulta tatlong linggo bago mag-umpisa ang klase noong Hunyo.

Wala ako sa listahan ng mga gurong natanggap.

Ano na ang gagawin ko? Ilang linggo na lang at pasukan na. Nagdadalawang isip na ako kung itutuloy ko pa ang pagtuturo o babalik na ulit ako sa pagsulat.

Hindi ko na alam. Bahala na kung saan ako dalhin ng Diyos.

Gumawa ako ng dalawang klase ng resumé at cover letter. Isang para sa aplikasyon bilang writer at isa para sa pagiging teacher. Nag-email ako sa mga eskwelahang may hiring at mga kompanyang naghahanap naman ng manunulat.

Aaminin ko. Kinakabahan ako. Mukha lang malakas ang loob ko pero totoong kumakabog ang dibdib ko.

Naguguluhan na ako sa buhay ko. Magtatatlong buwan na akong walang trabaho at nahihiya na ako sa mga magulang ko. Isang gabi kinausap ko nang masinsinan si Papa. Humingi ako ng tawad dahil ilang buwan na akong tambay at inamin ko na nape-pressure ako sa kanya.

Pressured ako dahil ang galing ni Papa. Napapagtapos niya kami ni Angelo ng college nang sabay habang may dalawa pa akong kapatid na nag-aaral sa elementarya. Hindi nakapagkolehiyo si Papa pero nagawa niyang makapagpundar ng sariling auto supply na siyang tumutustos sa mga pangangailangan ng aming pamilya.

Kung tutuusin halos sa edad ko ring ito na 22 nang magsama sina Mama at Papa bilang mag-asawa. Tindero at mekaniko pa lang siya noon sa isang auto supply sa kahabaan ng Evangelista St. sa Makati.

Nahihiya ako dahil sa edad kong ito ay may mga naipundar na dapat ako para maging independent. Pressured ako kay Papa kasi ang dami niya nang napatunayan gayong mas mahirap ang naging buhay niya noon.

Inihanda ko na ang sarili para sa mahaba-habang sermon at litanya pero hindi ko inaasahan ang naging sagot niya.

Hindi raw ako dapat ma-pressure. Sinabihan niya ako na ‘wag akong magmadali at ‘wag kong tingnan ang mga nagawa niya. Mas kaya ko raw higitan ang mga naging pagpupunyagi niya dahil nakapagtapos ako. Proud daw siya sa akin dahil narating ko ang mga bagay na hindi nila narating ni Mama.

‘Yun ang mga salitang nagpakalma sa matinding anxiety na nararamdaman ko nang mga panahong iyon.

‘Di nagtagal ay natanggap ako bilang guro sa senior high sa isang private school sa Trece Martires. Kasabay nito ay kumukuha naman ako ng Education units tuwing Sabado sa isang pribadong unibersidad.

Sa loob ng apat na buwan ng una kong subok sa pagtuturo, masasabi kong naging matagumpay ako sa mga ideolohiyang gusto kong pangatawanan bago pa man din ako magsimula. Nakabuo ako ng isang classroom atmosphere kung saan ang lahat ay ligtas na makakapagpahayag ng saloobin, tumawa o umiyak habang inuunawa ng guro na maaari nilang ituring bilang nakatatandang kapatid.

Kahit na nagtuturo na ‘ko ‘di ko naman kinalimutan ang pagsusulat. Mahal ko pa rin ang pagsulat at ‘di na yata ito mawawala sa pagkatao ko. Mula nang mag-resign ay nag-umpisa ako ng isang blog na may layuning mag-inspire, mag-motivate at maging tanglaw sa mga mambabasang nawawalan ng pag-asa.

Reality check. Malaki ang diperensya ng sahod ko ngayon kumpara sa kinikita ko noong nasa Ayala pa ako. Kung tutuusin, kinikita ko sa Makati sa isang kinsenas ang isang buwang sahod ko ngayon sa pagtuturo.

Pero hindi ako nagsisisi sa ginawa kong paghakbang nang may pananampalataya papunta sa gusto ko talagang gawin. Sabihin na ng ibang tao na kahibangan ang ginawa ko pero maitutulad ko sa unti-unting pagpapatiwakal ang hindi pagiging totoo sa isinisigaw na minimithi ng damdamin.

Marami pa akong gustong marating. Gusto ko pa ring tuparin ang una kong pangarap noong bata pa ako na maging doktor. Hindi nga lang doktor na gagamot sa medikal na kumplikasyon ng mga tao pero doktor na magtataguyod sa kahalagahan ng edukasyon sa pag-abot ng mga pangarap.

Nung una kong banggitin kay Mama ang kagustuhan kong mag-PhD, nagningning ang mga mata niya. Ipangako ko raw sa kanya na aabutin ko ‘yun.

Pipilitin kong marating ang level na ‘yun hindi lang para sa sarili kundi para rin sa mga taong patuloy na naniniwala na kaya kong tuntungan ang aking mga pangarap.

Aaminin ko. Kinakabahan ako. Mukha lang malakas ang loob ko pero totoong kumakabog ang dibdib ko. Hanggang ngayon.

—–

Ang blog post na ito ay lahok para sa Saranggola Blog Awards 8.

saranggola336x280


Advertisements

8 thoughts on “Pressure”

    1. Yes, the ability to consciously “relax” the central nervous system is key and can be trained. Ho&;2er&#8v30eitw#8217;s critical to “calm the buzz” that keeps the tension in the system from all areas of your life including mental / emotional and nutritional stress or else you have a ceiling on your healing capacity.

      Liked by 1 person

  1. Hello bro!

    Nakita ko ang link mo nung una sa SBA site. I congratulate the winners kasi. Then a friend referred Scribbling Teddy, so ayun nakita ko ulit site mo. At ngayon ko lang nabasa ito. Keep pursuing your dreams. So inspiring. 🙂

    Nice to meet you here. 🙂

    Joseph

    Liked by 1 person

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s