Darating na si Lord

May nag-message sa akin sa Facebook. Magra-rapture na raw noong Setyembre 23, Sabado. Darating na ulit si Hesus para isama sa kanya ang mga taong sumasampalataya sa kanya habang maiiwan naman dito sa lupa ang mga hindi sumasamba sa kanya.

Kinabahan tuloy ako bigla. Hindi dahil sa nag-aalala ako sa pananampalataya ko. Iniisip ko kasi kung handa na ako sa licensure exam sa Setyembre 24, Linggo.

Sa kabutihan ng Diyos, nakatulog ako nang maayos sa paupahang nahanap sa Quiapo  noong Sabadong yun. Nakapag-exam din ako kinabukasan habang ang iba marahil ay nag-iisip kung bakit hindi dumating si Lord.

Isa lang ang balita ng muling pagbabalik ng Diyos sa mga madalas na mapaksa ng fake news. Madalas na itong mangyari maski dati pa na walang Facebook at kung ano-anong social media. Noong mga panahong di pa naiimbento ang smartphone at uso pa ang mga cellphone ng Nokia ay madalas na rin pagpapakalat ng mga maling balita. Kesyo may namatay na manggagawa sa isang pabrika at nahaluan di umano ng dugo ang produkto kaya na-ban daw.  Meron naman daw ibang produkto na nasangkapan ng kemikal na puwedeng magdulot ng kanser.

Dati pa laganap ang iba’t ibang fake news pero mas kilala ito sa ibang alyas. Tsismis.

Ito yung mga balitang madalas ipakalat ni Aling Sally na may-ari ng tindahan sa tapat ng bahay niyo. Minsan, ito rin yung mga kuwento sa iyo ng labandera niyong si Becky tungkol sa buhay ni Mario na binibilhan mo ng taho hanggang ngayon.

Tsismis o fake news na maituturing ang anumang kuwentong hindi totoo at hindi nakabatay sa isang mapagkakatiwalaang reperensya. Haka-haka, sabi-sabi, o kuro-kuro (maliban sa ulit-ulit) ang mga karaniwang pinanggagalingan ng mga ganitong uri ng balita.

Madalas mabuo ang tsismis dahil sa pag-iiba-iba ng bersyon ng kuwento dahil sa marami nang pagsasalin-salin nito sa bibig ng iba’t ibang tao. Gayundin, ang fake news ay sadyang ginagawa ng ilan sa Internet para manira ng reputasyon maliban sa magpakalat ng maling impormasyon.

Anumang artikulo na lumalabag sa mga sumusunod na katangian ng matapat na pamamahayag ay maaaring ituring na fake news.

  1. Accurate. Dito madalas magkatalo-talo ang iba’t ibang mamamahayag lalo na kung bilang o statistics na ang pinag-uusapan. May mga senaryo madalas na sa isang istasyon 10 pa lang ang patay pero sa kabila 12 na ang idineklarang dead-on-the-spot. Sa mga ganitong pagkakataon madalas binabanggit ng reporter ang oras kung kailan niya nakuha ang impormasyon at kung kanino niya ito nakuha.
  2. Balanse. Kung puro masama o mabuting imahe lang ang binabalita malamang hindi yan balanse. Bagama’t may tinatawag na anggulo sa pagbabalita, mahalaga pa ring makita ang pangkalahatang aspeto sa nangyari. Objective din dapat ang paraan ng pagkakalahad ng mga detalye. Hindi hinahaluan ng opinyon ang balita dahil ang trabaho ng isang reporter ay ipakita ang iba’t ibang anggulo ng pangyayari maliban na lamang kung kolumnista ang mamamahayag kung saan nagbibigay siya ng isang maingat na opinyon base sa masusi niyang pagtitimbang sa iba’t ibang panig ng isyu.
  3. Malinaw. Sayang ang balitang hindi maintindihan ng mambabasa o manonood. Mahalagang maipaunawa sa audience ang balita para maging marunong sila sa mga nangyayari sa paligid. Kung nahihilo ka na sa balita at hindi mo na alam kung ano ang gusto nitong tumbukin, baka inililigaw ka na talaga nito at fake news na pala ang nasa harap mo.

Walang makalulusot na maling balita sa mapanuring mambabasa. Heto ang ilan sa mga paraan kung paano maiiwasang mapapaniwala ng fake news.

  1. Click to read. I-click ang link ng balita. Basahin nang buo ang artikulo dahil hindi mo maa-assess kung accurate, balanse, at malinaw ang balita kung headline at unang talata lang ang babasahin. Madalas na parang inuulit lang ang headline o title sa unang talata dahil ito talaga ang disenyo ng isang balita. Ugaliin palaging basahin nang buo at masusi ang artikulo.
  2. Think before you click. Medyo gasgas na pero marami pa ring sumasablay sa simpleng paalaalang to. Marami pa ring basta-basta na lang nagshe-share ng balitang walang basehan o di kaya ay bigla na lang magko-comment o magpo-post ng opinyon na hindi man lang inisip kung totoo ba talaga ang binasa. Tutal online ka na rin lang, bakit hindi mo i-check sa Google. Siguruhin mo na sinabi talaga ng may kanya yung quotation sa balita. Wag basta-basta maniwala sa iisang source lang. Ihilera mo ang mga datos kung magkakatugma sa sinasabi ng iba. Puwede ka minsang maglaro ng spot-the-difference at ang mahuhuli mong hindi katugma ng ibang news site ang siyang may sala sa pagpapakalat ng pekeng balita.
  3. Know the writer/author. Kaugnay ito ng nauna pero sa tip na ito mahalagang kilalanin kung sino ang nagsulat ng balita. Wala naman sigurong gustong sumangguni sa beterinaryo kung tao ang maysakit? Gayundin, hindi naman tamang basta-basta maniwala sa mga taong walang ‘K’ — kredibilidad at kakayahan.
  4. No to bandwagon. Huwag makisakay sa uso. Linangin ang kaisipan sa pamamagitan ng personal na pananaliksik. Hindi ka lamang natututo tungkol sa mga isyu sa paligid mo kundi bumubuo ka rin ng sariling pananaw at opinyon at hindi lamang nakikisakay sa ideya ng iba.

Nang matanggap ko ang message na yun tungkol sa rapture, naisip ko na mahalaga ako dun sa taong nagsend nun. Siguro puwedeng ituring na totoong kaibigan yung mga taong may pagta-tag pa ng friend sa comment section ng mga fake news. Nagkamali sila nang maniwala sa pekeng balita pero hindi ang pag-aalala sa tin para makaiwas sa anumang trahedya.

Sa susunod na may mag-send sa inbox mo ng fake news o di kaya ay balitang darating na si Lord, huwag kang magagalit. For the love of Christ, wag mo ring i-block. Bilang concerned na kaibigan sabihin sa kanila na, “Fake news to, friend. Sabi sa Bible sa aklat ng Marcos, ‘walang nakakaalam ng araw o ng oras na iyon, kahit ang mga anghel sa langit, o ang Anak man. Ang Ama lamang ang nakakaalam nito.’”

Pwede mo na ring i-share ang blogpost na to sa kanya. Kapag nagalit pa siya, ayun ang rapture.

 

* * * * *

Ang blog post na ito ay lahok para sa Saranggola Blog Awards 9.

saranggola336x280

Advertisements

2 thoughts on “Darating na si Lord”

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Google photo

You are commenting using your Google account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s