Pangangaratula

Bukod sa mga lansangan, may iba pang abenida ang mga protesta.

* * * * *

Panulat

 

Nang ikatlong kaarawan ko

Niregaluhan mo ako ng lapis, Nana

Wala pa akong malay sa silbi nito

Hanggang sa banayad na humaplos

Ang palad mo sa kanang kamay ko

Marahan, maingat na maingat

Ipinakilala mo ako sa pagsulat

 

Apat na taon ako noong maisulat nang maayos

Ang pangalang ikaw ang nagbigay

Sabi mo, isinunod mo ang pangalan ko sa Tata

Nasaan nga pala siya

Itinuro mo ang frame sa ibabaw ng lamesita sa sala

Nasaan na siya ngayon, pag-uulit ko

Itinuro mo ang salamin, nakita ko ang sarili

 

Pitong taon ako noon nang sulatan ko ang Tata

Nasaan ka na? Gusto kitang makita, makilala

Nawalan at napaltan ng baterya ang lumang orasan sa sala

Naroon pa rin ang larawan niya sa ibabaw ng lamesita

Pero ang Tata na hinihintay at hinahanap, wala pa

Binitawan ko na ang ‘Nasaan ka’

Ayoko na, ayaw na kitang makita

 

Disisiyete anyos ako ngayon at kumatok si Nana noong isang gabi

Dala niya ay isang notebook na mukhang niluma na ng panahon

Diary pala ito ng Tata noong panahon ng kudeta

Isa pala siya sa mga namatay at nakipaglaban para lumaya ang bayan

Sa pahinang pinag-iipitan ng marahil ay lapis niya

Humingi siya ng tawad sa akin at kay Nana dahil nagkulang siya

Iniwan niya kami para ipaglaban ang aming karapatan

 

Magdidisi-otso anyos na ako ngayon

Itigil ko na raw ang ginagawa ko sabi ni Nana

Marami nang nagsususpetsa

Mulan ang kalabanin ko ang gobyerno sa aking mga isinusulat

Mapapatawad ko ang amang nagbuwis ng buhay para sa bayan

Pero hindi ang mga taong ibinubuwis ang mismong bayan

Ngayon, ako naman ang gagamit sa iniwang panulat ni Tata

 

* * * * *

 

Bantas

Hindi ko na lang tutuldukan ang pangungusap na to

Di rin naman nito kayang tapusin

Ang napakarami nang naumpisahang usapin

Na madalas nauwi sa galit, ngitngit at himutok

 

Sa unahan na lang din ng pangungusap ako maglalagay

Ng tandang pananong

Tutal marami-rami na ring mga tanong ang nasundan

At nasundan pa uli ng iba pang mga bakit at paano

 

Wala na ring saysay ang kuwit

Dahil di na rin ako makahinga

Sa pag-iisa-isa sa dumaraming biktima ng karahasan

At kaso ng kawalan ng hustisya

 

Hindi na rin sapat sa akin ang isa

Dalawa o tatlong tandang padamdam

Kung ibubulalas ko ang opinyon

Sa mga taong sana’y nangangalaga ng mga karapatang pantao

 

Itatapon ko lamang ang ideya ng pagwawakas ng kaguluhan

Kung magkakamali akong ikulong ang mga salita

Sa munting kahon na nagtatanong,

“What’s on your mind?”

Maski isaksak ko ang mga tamang pananda

 

* * * * *

 

Alay Akay

‘La,

Tuloy pa ho ba?

Pa’no na ‘yan

Inatake ka na uli ng rayuma

Sabi naman po kasing wag nang mag-munggo

Mahihirapan tayo niyang sumakay ng bus

May iba pa naman akong dala

Mula Pasay tingnan natin kung makakapag-MRT tayo

 

Kumusta ang tulog niyo?

Malapit na tayo

Kaya niyo pa ba

Maghaharap ulit kayo ng nakaraang dumadalaw sa higaan

Na minsa’y pinaiiyak ka habang natutulog

O di kaya’y iniiwan kang mulat sa magdamag

Pero ngayon ipapakita mo kung gaano ka pa rin katatag

 

Kaya niyo pa po bang maglakad?

Nandito na po tayo

Iba na ang bihis ng Maynila kumpara sa mga kwento niyo

Pero parang paurong ang takbo ng panahon

Parang nagbibiro sa kagustuhang ibalik ang madilim na kasaysayan

May pagtatangkang buhayin ang mga halimaw ng nakaraan

Pero sabi mo nga isasama mo muna sila sa hukay bago yun mangyari

 

Lalaban tayo, ‘La

Gawin mo kong tungkod sa pagkilos na to

Laban na minsan mo nang pinagtagumpayan

Kasama ang iba pang naniniwalang

Hindi karahasan ang magbabago sa bayan

Alam ko uuwi kang nakangiti

Dahil sa laban na ‘to, ako ang kasama mo

 

* * * * *

Ang blog post na ito ay lahok para sa Saranggola Blog Awards 9.

saranggola336x280

One thought on “Pangangaratula”

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Google photo

You are commenting using your Google account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s